1.4.12

entry 0119


Sabi sa akin ng isang Sipat Lawin actor (na medyo bet ako): "Alam mo, gusto ko lang yung may inaalagaan, yung may ipinagluluto e. Hindi ko na matandaan kung kailan ako nagluto para sa isang tao."
Saib ko naman, "Madami kang pagmamahal sa sarili mo. Hindi mo lang alam kung kailan, saan, kanino, ano, paano, kailan ipapamahagi ito. "
Naisip ko, baka para sa akin din yung sinabi ko. Parehas din naman kaming artists, parehas kaming may naguumapaw na pagmamahal sa sarili at sa mundo. Baka ganito na yung nangyayari.
Baka dapat pala inaalagaan na kita...
Baka dapat pala tuwing Lunes tinutugtugan kita ng Debussy o Ravel o anumang impressionistic music dahil nakaka-shit ang simula ng linggo ng trabaho. Baka dapat pala tuwing Martes ay niyayaya kita kumain sa labas. Baka dapat pala tuwing Miyerkules at nakikitulog ako sa inyo, kasi yun yung araw na sobrang pagod ako kakalaro sa mga estudyante ko at kailangan kong huminga. Baka dapat pala tuwing Huwebes na McDo tayo at pinipilit na huwag magsawa sa mamantikang agahan.
Baka dapat pala tuwing Biyernes nanonood tayo ng isang boring na concert sa Philam o sa CCP o nanonood ng sine(na hindi pa natin nagawa). Baka dapat pala ipinagluluto din kita tuwing Sabado ng kung anumang maisip ng sikmura natin.
Baka dapat pala tuwing sumasapit ang kasal ng tikbalang sa tanghali, nananalangin ako para sa kabutihan ng kalagayan mo. Baka dapat pala tuwing Blue Moon, niyayakap kita nang mahigpit at isinisayaw sa saliw ng tugtuging Beatles. Baka dapat pala tuwing April Fools' Day sabihin ko sa yo, "Ayoko na sa iyo. Ayaw na ayaw kitang makasama sa buong buhay ko. Nasasayang lang oras ko sa yo. Hindi na ako masaya. "
Baka dapat pala pagsapit ng katapusan ng buwan at bago magsimula ang panibagong buwan o pagsapit muli ng Linggo...iniisip ko na kung kailan, saan, kanino, ano, paano, kailan ako mamahagi nito - itong nararamdaman ko...yung pinakamalapit na pandiwa sa salitang "mahal."

No comments:

Post a Comment